5 sasakyan inararo ng truck: 1 patay

MANILA, Philippines - Lasog ang isang  rider ng fastfood chain, habang isa pang babae ang sugatan matapos na araruhin ng six-wheeler truck ang limang  sasakyan sa kahabaan ng Mindanao Avenue, lungsod Quezon kahapon ng ma­daling-araw.

Sa ulat ng Quezon City Police District Traffic Sector 6, nakilala ang nasawing biktima na si Archie Gaerlan, 29, at residente sa Zabarte Sub­division, Novaliches sa lungsod.

Ayon sa traffic aid na si Eddie Maglente, ang sugatang biktima na natukoy sa pangalang Carmelita Mahilig ay agad namang itinakbo sa Quezon City General Hospital kung saan ito nilapatan ng lunas.

Nasa kustodya naman ng TS-6 ang driver ng truck na si Jay Antencio, 36, ng Talavera, Nueva Ecija.

Sa imbestigasyon ni PO3 Andy Sotto, ang nagsalpukang sasakyan ay kinabibilangan ng Isuzu cargo truck (USA-978) na minamaneho ni Antencio; dalawang motorsiklo, isang Toyota van, isang Toyota Avanza, at isang Isuzu Elf.

Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Mindanao Avenue, corner Congressional Avenue, ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.

Diumano, tinatahak ng mga cargo truck ang kahabaan ng Mindanao Ave­nue, galing ng Road 20, patungong North Avenue nang pagsapit sa Congressional Avenue  ay biglang inararo nito ang nakahilerang sasakyan na nakahinto sa stop light.

Unang tinumbok ng truck ang motorsiklo ni Gaerlan hanggang sa magdomino effect na ito sa iba pang sasakyan.

Sinasabing pumailalim sa truck si Gaerlan na galing sa paghahatid ng pagkain at pabalik na sana sa pinaglilingkurang fastfood sanhi para magtamo ito ng matinding injury sa katawan at masawi.

Habang ang biktimang si Mahilig na sakay ng Avanza ay nagtamo rin ng injury sa katawan matapos na tumilapon sa loob nito sa lakas ng impact.

Masuwerte rin anyang nakaligtas ang isa pang rider ng Kawasaki motor­cyle na si John Rey Zayzi, matapos na makatalon mula sa kanyang motor­siklo, habang pagkasira naman ng kanilang sasakyan ang natamo ng ilang biktima.

 

Show comments