MANILA, Philippines - Kinasuhan ng murder at frustrated murder kahapon ng umaga sa Department of Justice ang negosyante na sinasabing mastermind at pulis na gunman sa kasong pamamaslang sa international car racing champion na si Ferdinand ‘Enzo’ Pastor noong Hunyo.
Kasabay nito, kinasuhan na rin ng parricide at frustated murder ang misis ni Pastor na si Dahlia na umano’y ka-relasyon ng negosyanteng si Domingo ‘Sandy’ De Guzman III.
Personal na dinaluhan ng mga magulang ni Pastor ang pagsasampa ng kaso laban kay De Guzman at PO2 Edgar Angel ng Pasay police, na umano’y inupahan ng negosyante upang patayin ang car racer. Sugatan din si Paulo Salazar na assistant ni Pastor nang maganap ang krimen.
Bukod sa pagsasampa ng kaso sa tanggapan ni DOJ State Prosecutor Susan Villanueva, sumailalim din si De Guzman sa inquest proceeding bunsod naman ng kasong illegal possession of firearms.
Ibinunyag ni Angel na nakatanggap siya ng P100,000 mula kay De Guzman para sa pagpatay kay Enzo.
Hanggang sa ngayon hindi pa narerekober ng pulisya ang motorsiklo at baril na ginamit ng gunman sa pagpaslang sa car racer champion.
Samantala, no comment naman ang pamilya Pastor sa lumalabas na anggulo na battered wife ang misis ni Enzo na si Dahlia Guerrero Pastor.
Ito kasi ang lumalabas na dahilan kung bakit humantong sa pagpatay sa biktima na si Enzo.
Tinukoy ng pulisya na kabilang si Dahlia sa nagplano sa pagpatay sa kaniyang asawa na si Enzo, matapos mabatid na mayroong illicit love affair sa suspek na si de Guzman.
Kasalukuyang tinutugis na ng pulisya si Dahlia. Hindi naman makapaniwala ang mga magulang ni Enzo Pastor na may kinalaman sa pagkamatay ng kanilang anak ang kanilang manugang.
Ayon kay Tomas Pastor, ama ni Enzo na nagtungo pa sa burol at sa lamay ng kanilang anak si Dahlia kasama ang mga magulang nito at simula noon hindi na ito nagpakita pa sa kanila.
Samantala, tiniyak naman ni Bureau of Immigration spokesperson Atty. Elaine Tan na nasa bansa pa si Dahlia batay na rin sa kanilang data-base ng travel record.