Inspeksyon sa MRT-3 sinimulan na
MANILA, Philippines - Sinimulan na ng mga Hong Kong experts ang pag-i-inspeksyon sa Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng MRT-3 at ng Light Rail Transit Authority (LRTA), inaasahang aabutin ng 52-araw bago tuluyang makapaglabas ang mga ito ng report hinggil sa MRT-3.
Bubusisiin umano kasi ng mga eksperto ang lahat ng technical aspects ng MRT-3 upang matukoy at maisaayos ang lahat ng problema nito.
Una umanong sisilipin ang communication system ng linya ng tren matapos na magka-problema noong Sabado at naging sanhi ng halos isang araw na pagkatigil ng operasyon nito.
Sa kasalukuyan ay tatlong Hong Kong experts ang nasa bansa, kabilang ang signaling at telecommunications experts, ngunit may darating pa umanong dalawa pang eksperto para mapadali ang pagbusisi sa susunod na mga araw.
Kumpiyansa naman si Cabrera na makakatulong ang audit na gagawin ng mga eksperto para mabigyan ng isang direksyon ang MRT-3 na galing sa isang third party.
Samantala, dumanas ng mas mahabang pila ang mga pasahero ng MRT-3 kahapon matapos na hindi makabiyahe ang dalawang tren nito.
- Latest