MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkabilanggo ang ipinataw ng hukuman laban sa dating aktor at congressman na si Dennis Roldan matapos na mapatunayang nagkasala sa kasong pangingidnap sa isang batang Filipino-Chinese noong 2005.
Batay sa desisyong ibinaba ni Presiding Judge Rolando Mislang ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 167, kahapon si Roldan, o Mitchell Gumabao sa tunay na buhay, at dalawang kasabwat nitong sina Rowena San Andres at Adrian Domingo, ay sinentensyahan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo, dahil sa pagdukot kay Kenshi Yu, na noon ay tatlong taong gulang pa lamang.
Samantala, pinawalang-sala naman ng hukuman sa kaso ang isa pang akusado na si Octavio Garces.
Pagkatapos ng hearing, kaagad nang ibiniyahe sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City si Roldan, na personal na dumalo sa promulgasyon, gayundin sina San Andres at Domingo.
Si Roldan ay inaresto noong Pebrero 20, 2005 makaraan ang matagumpay na rescue operation sa biktima sa Cubao, Quezon City.
Pansamantala siyang nakalaya mula sa isang taong pagkabilanggo sa Pasig City Jail matapos na maglagak ng kalahating milyong pisong piyansa habang ang kanyang mga kapwa akusado ay nanatili sa bilangguan simula nang maaresto noong 2005.
Kaugnay nito, hindi naman pinanghinaan ng loob si Roldan sa desisyon ng hukuman at sinabing simula pa lamang ito ng laban.
Tiniyak ng legal counsel ni Roldan na si Atty. Orlando Salatandre Jr. na iaapela nila ang kaso sa Court of Appeals.