MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na pinaniniwalaang mga biktima ng salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Hinihinala ng pulisya na iisang grupo ang may gawa sa mga hindi pa kilalang biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan.
Inilarawan ni SPO3 Glenzor Vallejo ang isa sa edad 30-35, may taas na 5’6’’, chubby, kayumanggi, nakasuot ng green na t-shirt, at itim na short pants.
Ang ikalawang biktima ay inilarawan naman sa edad na 25-30, balingkinitan, nasa 5’6’’ ang taas, may tattoo na ‘sporting’ at disenyong dragon sa kanang braso.
Unang nadiskubre ang bangkay ng unang biktima sa panulukan ng Perlita at Estrada sa San Andres Bukid, Malate, Maynila, ganap na alas-3:45 ng madaling-araw kahapon, na may tama ng bala sa kanang bahagi ng mukha na tumagos sa kaliwang pisngi habang nakagapos ng electrical wire ang mga kamay.
Sa hiwalay na ulat naman ni SPO1 Charles John Duran, dakong alas-4:20 ng madaling-araw naman nang pagbabarilin ang isa pang biktima sa P. Gil at Bo. Sta. Maria, sa Maynila.
Sinasabi ng mga testigo na pawang nakasakay sa motorsiklo ang may gawa sa huling krimen.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.