P100-M shabu nasamsam: 3 tiklo

Ang mga nakumpiskang shabu na nagkakahalaga ng may P100-M sa isinagawang buy-bust operation kahapon. Pilit namang itinatago ng suspect ang kanilang mukha sa loob ng ginamit nilang sasakyan sa pagbebenta ng ilegal na droga. (Kuha ni Ernie Peñaredondo)

MANILA, Philippines - Tatlong hinihinalang sangkot sa malawakang ben­tahan ng iligal na droga ang nalambat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang buy-bust operation kung saan nasamsam ang tinatayang aabot sa P100-M halaga ng shabu, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Chief Supt. Richard Albano, director ng QCPD, ang mga nadakip na suspek na sina Grace Navalta, 32; Anthony Pineda, 32; pawang taga-Brgy. San Agustin, Novaliches; at Jesselito Cabaguero, 37, ng Parampura,Tarlac City.

Ayon kay Albano, ang mga suspek ay nadakip ng mga tropa ni Chief Ins­pector Robert Razon, QCPD-Anti Illegal Drugs Special Ope­ration Task Group (QCPD-DAIDSOTG) sa kahabaan ng West Avenue malapit sa kanto ng Examiner St., sa  lungsod dakong alas-5:45 ng umaga.

Bago ito, nakipag-transaksyon ang tropa ni Razon sa mga suspek para sa pagbili ng shabu na nagka­kahalaga ng P3 milyon na ang katumbas ay 2 kilo.

Sabi ni Razon, natumbok nila ang mga suspek, matapos ang impormasyong natanggap nila mula sa mga naunang suspek na nadakip nila kamakailan, tulad ng isang Chinese national.

Nagkasundo ang tropa ni Razon at mga suspek na magpalitan ng items sa nasabing lugar kung saan dumating ang mga huli na sakay ng isang kulay puting Honda City (UNO-122).

Nang abutin ng suspek na si Navalta ang marked money na dala ng isang poseur­-buyer ng DAIDSOTG kapalit ang dala niyang shabu ay saka ito inaresto, kasunod ang kanyang mga kasamahan.

Sa pagsisiyasat sa dala nilang sasakyan ay narekober pa ng mga awtoridad sa compartment nito ang may 13 pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na isang kilo.

Ang mga suspek ay nakapiit ngayon sa himpilan ng DAIDSOTG para sa masusing imbestigasyon.

Show comments