MANILA, Philippines - Dapat umanong humingi ng paumanhin si Senador Antonio Trillanes IV sa mga kapwa niya senador dahil sa kanyang akusasyon na konti ang dumalo sa imbestigasyon sa overpricing dahil sa paggalang o takot nila kay Vice President Jejomar Binay.
Ito ang tinuran kahapon ng United Nationalist Alliance (UNA) kaugnay ng imbestigasyon ng Senado sa overpricing umano sa isang gusali ng Makati City Hall.
“Ibig niyang sabihin, duwag ang mga kapwa niya senador? Iniinsulto niya ang kanyang mga kasamahan,” puna ni UNA Secretary General Toby Tiangco.
Ipinaalala ni Tiangco kay Trillanes ang rekord ni Binay bilang aktibista at human rights lawyer noong panahon ng batas militar at nagtanggol sa Konstitusyon at sa administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino laban sa ilang adbenturistang militar.
Matatandaan na si Trillanes ay nasangkot sa nabigong Oakwood mutiny at sa Peninsula siege sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ayon pa kay Tiangco, hindi dapat sisihin ni Trillanes ang Bise Presidente o ang kapwa niya mga senador kung kokonti ang dumalo sa kanyang gimik sa Senado.
“Maaaring napagtanto ng kapwa niya mga senador na dapat bigyang prayoridad ang pambansang badyet kaysa sa isang imbestigasyong pulitika ang motibo at batay lang sa alegasyon ng mga kalaban sa pulitika ni Binay at ng pamilya nito,” sabi pa ni Tiangco.
Kinontra rin ni Tiangco ang pahayag ni Trillanes na nagpalakas sa reklamo laban sa Bise Presidente ang unang pagdinig sa overpricing sa Makati City Hall Parking Building 2.
Ang lumitaw anya sa pagdinig ay ang katotohanan na ginamit ng mga kalaban ng Bise Presidente ang Senado para siraan ang pamilyang Binay sa pamamagitan ng name-calling at paglalabas ng mga walang basihang akusasyon.