MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nalunod ang isang 67-anyos na lolo nang madulas sa Manila Bay, sa bahagi ng Malate, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni SPO1 Rodelio Lingcong ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 3:30 ng hapon nang umano’y madulas at mahulog si Antonio Boral, ng #584-98 San Andres St., Malate, Maynila.
Lumilitaw na nagse-selfie ang grupo ng mga estudyante ng Mapua Institute of Technology (MIT) sa tabing dagat at nakitang nakatayo lamang ang matanda sa seawall.
Nagulat umano ang mga kabataan nang lumipas ang mahigit kalahating oras ay nakita na nila itong lumulutang sa dagat.
Nagtangka pang isalba ng vendor na si John Mendoza ang biktima subalit wala na itong buhay nang maiahon.
Dinala ang bangkay sa St. Rich Funeral Services para sa awtopsiya at safekeeping.