MANILA, Philippines - Natagpuang walang buhay ang isang guwardiya makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang naglalakad ito sa isang kalsada sa Makati City kamakalawa ng hapon.
Nagtamo ng tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo ang biktimang si Valentin Gabasa, security guard ng Sea Champ Company sa may Pasong Tamo corner Dela Rosa Street, Brgy. Pio del Pilar sa naturang lungsod.
Ayon sa mga saksi, nakasuot ng pulang ball cap, pantalon, at may bitbit na bag ang suspek.
Sa inisyal na ulat, naglalakad mag-isa sa kahabaan ng Dela Rosa Street ang biktima dakong alas-4:30 ng hapon nang lapitan ng salarin at agad na binaril ng malapitan sa ulo.
Nang bumulagta ang biktima, kaswal lamang na naglakad palayo ang suspek hanggang sa tuluyang makatakas.