MANILA, Philippines - Plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isara ang mga U-turn slots sa bahagi ng Katipunan Road, Quezon City dahil sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Lumilitaw na tumaas ang bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa mga U-turn slots partikular ang mga truck kaya patuloy ang nararanasang pagsisikip na daloy ng trapiko.
Base sa record ng MMDA, nabatid na nasa 50 hanggang 80 porsiyento ang itinaas ng bilang ng mga truck na dumaraan sa mga U-turn slots sa nasabing lugar. Dahil dito, ang pangunahing solusyon ng MMDA ay ang isara na ang mga U-turn slots sa nasabing lugar kung saan dadagdagan ng traffic lights.
Planong lagyan ng traffic light sa harapan ng Miriam College habang ang isa naman ay sa harapan ng Ateneo De Manila University.
Matatandaan, ipinatupad na rin ito ng MMDA sa bahagi ng Quezon Avenue kung saan isinara na rin ang mga U-turn slots kaya upang lumuwag ang daloy ng trapiko.
Una nang sinabi ni MMDA Traffic Engineer Center head Noemi Recio, na ang mga itinalagang U-turn slots ang madalas na pinagmumulan ng trapik dahil na rin sa pasaway na mga motorist.
Sa halip na isang lane lamang ang ookupahan para sa kanilang pag U-turn ay madalas dalawa hanggang tatlong lane ang inokupahan kaya lalong nagkakatrapik sa naturang lugar.