MANILA, Philippines - Napatay ang itinuturing na notoryus na karnaper makaraang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng pulisya, ilang minuto matapos holdapin at tangayin ang motorsiklo ng isang ahente ng Skycable sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay P/Chief Insp. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, walang nakuhang pagkakakilanlan sa napatay na karnaper na may tattoo sa dibdib at likuran ng katawan, nasa edad 30-35, may taas na 5’6’’, nakaitim na jacket at green na short pants.
Pinaghahanap naman ang isa sa kasamahan ng napatay na nagawang makatakas sakay ng motorsiklo.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Manolito Lausa, ng Brgy. Sta. Lucia na inagawan ng motorsiklo at tinangayan pa ng pera ng dalawa.
Gayon pa man, naispatan at nakasagupa ng pulisya ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo sa kahabaan ng Mindanao Avenue malapit sa panulukan ng Quirino Highway sa Barangay Talipapa, Novaliches.
Narekober sa napatay ang cal .38 revolver at mga bala.