Speed limit sa MRT ibinaba

MANILA, Philippines – Upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, ibinaba ng pamunuan ng Metro Rail Transit ang bilis ng takbo ng kanilang mga tren.

Ayon sa ulat ng dzMM, nasa 40 kilometers per hour (kph) na lamang ang takbo ng mga tren, mas mababa ng 20 kph mula sa dating 60 kph na takbo.

Dahil dito ay mas matagal ng pitong minuto ang biyahe ng mga tren.

“Pag nadagdagan ’yung travel time natin, nadagdagan ’yung turn-around ng ating mga tren, hahaba rin ’yung mga paghihintay natin, lalo na ’yung mga nasa baba na naghihintay ng kanilang masasakyan na tren,” paliwanag MRT at LRTA spokesman Her­nando Cabrera.

Isinagawa ang pagpapabagal sa takbo ng mga tren kasunod ng pagkakadiskaril ng tren noong Agosto 13 sa EDSA-Taft station ng MRT.

Samantala, tiniyak ng Autre Porte Technique (APT) Global Inc., ang maintenance contractor ng Metro Rail Transit (MRT-3), na hindi nila papayagang makabiyahe ang mga tren na hindi naka­pasa sa kanilang quality checklist.

Show comments