MANILA, Philippines - Tiniyak ng Autre Porte Technique (APT) Global Inc., ang maintenance contractor ng Metro Rail Transit (MRT-3), na hindi nila papayagang makabiyahe ang mga tren na hindi nakapasa sa kanilang quality checklist.
Ayon kay Victorino Espiritu, project manager ng APT Global, isinasailalim na nila sa maintenance at check-up ang lahat ng MRT trains upang matukoy kung alin sa mga ito ang maaari pang kumpunihin at alin ang hindi na maaaring gamitin.
Samantala, inaasahan nang lalong madaragdagan ang ‘parusa’ sa mga commuters ng MRT-3 dahil lalo pang hahaba ang pila at ipaghihintay nila bago makasakay at makarating sa kanilang destinasyon bunsod ng pinabagal na speed limit nito.
Mula noong Miyerkules ay sinimulan na ang pagbiyahe ng mga MRT trains sa bilis na 40 kilometers per hour (kph) na mas mababa ng 10 kilometro mula sa dating 50 kph, na nangangahulugan na ang isang one-way trip ay mas hahaba ng mula pito hanggang 10 minuto kumpara sa dati.
Ayon kay MRT at LRTA spokesman Hernando Cabrera, ang pagpapatupad ng mas mabagal na speed limit ay bahagi ng kanilang mga bagong safety procedure kasunod ng pagkadiskaril ng isang tren sa EDSA-Taft Avenue station noong Agosto 13 na nagresulta sa pagkasugat ng 34 na pasahero.
“Pag nadagdagan ’yung travel time natin, nadagdagan ’yung turn-around ng ating mga tren, hahaba rin ’yung mga paghihintay natin, lalo na ’yung mga nasa baba na naghihintay ng kanilang masasakyan na tren,” paliwanag ni Cabrera.
Gayunman, umaasa si Cabrera na magiging maganda ang epekto ng naturang bagong regulasyon dahil maiiwasan na rin ang pag-over-use sa mga tren at sa mga riles nito.