MANILA, Philippines - Arestado ang isang babae na sinasabing ‘fixer’ sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nang mambiktima ng isang kaanak ng pasyenteng nanghihingi ng tulong-pinansiyal sa nasabing tanggapan na hiningian nito ng P4,000 sa isang coffee shop sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nakapiit sa Manila Police District-General Assignment Section ang suspek na kinilalang si Gina Reyes, alyas Rhia, 49, ng Tayabas St.Tondo, Maynila.
Inilatag ang operasyon laban sa suspek matapos ang pakikipag-ugnayan ng intelligence officers ng PCSO na sina Efren Fajardo, Venerando Ozores at Juser Tupas kay MPD-GAS chief, Senior Insp. Arsenio Riparip.
Nabatid na nais lamang ng biktimang si Hazel Alicante na makakuha kaagad ng Guarantee Letter na ipinagkakaloob ng PCSO bilang tulong sa hospital bill kaya nang alukin ng suspek na mapapadali ang proseso kung lalakarin niya ay pumayag ito.
Sinabi umano ng suspek na siya ay konektado sa PCSO kaya nagtiwala ang biktima at nakipagkasundo sa nasabing halaga.
Subalit nadiskubre umano na hindi ito kilala sa nasabing tanggapan at hindi rin konektado.
Nagawa tuloy isuplong sa PCSO Intelligence Section ang suspek kaya inihanda ang entrapment.
Nang makipagkita sa isang coffee shop ang suspek at tanggapin ang P4,000 marked money ay dinamba na ito ng mga tauhan ng MPD-GAS na sina SPO1 James Poso at PO3 Jayjay Jacob.