MANILA, Philippines - Kinilala ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang Valenzuela City Police Station bilang “Best Police Station” sa kategorya ng tuluy-tuloy na transpormasyon para sa taong 2013-2014 sa nakaraang anibersaryo nito, kamakailan sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sinabi ni Valenzuela Police chief, Senior Supt. Rhoderick Armamento na huling nakopo ng kanilang istasyon ang parangal noon pang taong 2006 at ngayong 2014 lamang nasundan. Iginawad ang parangal na “Unit with the Past and Continuing Notable Accomplishment Beyond the Rating Period” nitong Agosto 11 sa ika-113 anibersaryo ng NCRPO.
Pinagbasehan umano ang malaking pagbaba sa antas ng krimen mula 2,265 noong 2012-2013 na ngayon ay naibaba nila sa 2,225 ngayong 2013-2014. Mula sa 65 average na krimen na nagaganap kada linggo noong 2013, kasalukuyang nakapagtatala na lamang umano ang Valenzuela City Police ng 15 hanggang 28 average na krimen kada linggo.
Bukod dito, natanggap rin ni Armamento buhat sa NCRPO ang “Achievement Award in the Field of Police Administration” sa maayos na pamamahala nito sa istasyon ng pulisya. Ang naturang “accomplishment” ay dahil umano sa suporta ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela sa lokal na pulisya sa pagbibigay ng suporta sa patrol cars at pangangailangan ng mga pulis.
Nitong Hulyo, nabiyayaan ang Valenzuela City Police ng 40 bagong motorbikes at dalawang Police on Wheels (VPOW) trucks buhat kay Mayor Rex Gatchalian.