MANILA, Philippines - Pinangunahan kahapon ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pagdiriwang ng ika-136 taong kaarawan ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon sa isang seremonya sa Quezon Memorial Shrine sa nabanggit na lungsod. Sa naturang pagdiriwang ay naging guest of honor at speaker si UP Chancellor Michael L. Tan kasama sina Quezon City Mayor Herbert Bautista., Vice Mayor Joy Belmonte at kaanak ni dating Pangulong Quezon. Kahapon ay special non working public holiday sa lungsod, lalawigan ng Quezon at sa Aurora bilang paggunita sa dating Pangulo.
Si Pangulong Quezon na namatay sa sakit na TB noong August 1, 1944 sa Saranac Lake , New York , ay inaalala hindi lamang founding father ng QC at unang Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas kundi isa ding ama ng social justice at national language. Inaalala rin si Quezon na tanging Pangulo ng bansa na inalay ang Pilipinas bilang tirahan ng mga Jews na naparusahan sa Nazi Germany. Sinasabing nai-donate niya ang kanyang sariling lupa sa Marikina at Mindanao para tirhan ng mga Jewish refugees.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni QC tourism chair at QC Vice Mayor Joy Belmonte na bilang pag -alala kay Pangulong Quezon ay may mga bagong proyekto ang lokal na pamahalaan para sa pag-preserba sa kasaysayan ni Pangulong Quezon at isa na dito ang itinatayong Quezon museum at library projects.
Bukod pa rito anya ang plano para sa digitalization at microfilm transfer ng ilang memorabilia ni Pangulong Quezon na ngayon ay naka-preserve sa National Archives.