MANILA, Philippines - Mariing nilinaw kahapon ng pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) na ang mga hinuhukay na drainage system sa bisinidad ng maximum security compound ay hindi magagamit ng mga bilanggo para sa posibleng tangkang pagtakas ng mga ito.
Ang naging pahayag ng NBP ay dahil sa mga haka-haka na ang hinuhukay na drainage sa mga kalye malapit sa compound ng maximum security ay posibleng magamit ng mga preso sa pagtakas.
Ito ay dahil na rin sa nakita umanong tunnel ng ilang mga construction worker ng Maynila na nagsasagawa nang paghuhukay sa lugar. Dahil dito, pinaiimbestigahan na ito ng DOJ Bureau of Correction (BuCor) Director Franklin Bucayu.
Sinabi naman ni NBP officer-in-charge Superintendent Roberto Rabo, ang drainage system na hinuhukay ay imposibleng magamit ng magtatangkang tumakas na preso kahit pa hindi pa ito dinadaluyan ng tubig.
Sinabi nito habang nagsasagawa nang paghuhukay ang mga tauhan ng Maynilad ay regular aniya nila itong ini-inspection at mahigpit itong binabantayan ng mga prison guard ng NBP.
“May sistema tayong nilagay diyan na hindi pwedeng daanan ito ng tao, tubig lang,” sabi pa ni Rabo.
Nabatid, na ang hinuhukay na mga daan ay likuran ito ng gusali ng Maximum security compound, na malapit umano sa selda ng mga pulis at sundalong inmates.