MANILA, Philippines - Magkakaroon ng problema ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dahil ipinagpaliban muna ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang pagpapagamit ng South terminal para sa 556 provincial buses na itinuturing na mga kolorum at out-of-line dahil hindi pa umano handa sa bagong sistema ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Dapat bukas Miyerkules, Agosto 20 ipagagamit na sa mahigit 500 out-of-live at kolorum na provincial buses ang naturang terminal.
Subalit, pansamatala munang ipinagpaliban ni Fresnedi ang pagpapagamit nito sa mga provincial buses, dahil sa hindi pa aniya handa ang LTFRB sa bagong sistema, bukod sa kakulangan ng sticker na ikakabit sa mga ito.
Nabatid, na hindi rin umano nakikipag-ugnay ang LTFRB sa pamunuan ng SLEX na maaapektuhan din.
Kung kaya’t nagdadalawang isip umano si Fresnedi sa pagpapagamit ng terminal sa Alabang, Muntinlupa City lalu’t sila aniya ang sasalo sa magiging problema sa trapiko.
Paalala ng alkalde sa LTFRB, dapat aniyang plantsahing mabuti ang kanilang plano dahil kung hindi aniya magiging maayos ito baka hindi na ipagamit ng Muntinlupa City government ang kanilang lugar bilang provincial bus terminal.
Nauna rito ininspeksyon ng MMDA at ni Mayor Fresnedi ang south terminal na ipapagamit sa mga provincial bus, kung saan may tatlong ektarya ang lawak nito na nasa loob ng Filinvest City.