5 naka-motorsiklo namaril: 1 patay, 3 sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang nasawi, habang tatlo ang nasugatan sa pa­mamaril ng limang kalalakihan sakay ng tatlong motorsiklo sa may kahabaan ng Unit 5 Bato-Bato St. Brgy. Commonwealth, Quezon City, kahapon ng alas-12:30 ng  madaling-araw.

Kinilala ang nasawi na si Ariel Bigonte, 27,  ng Adarna St.,Brgy. Commonwealth, QC na idineklarang dead-on-arrival sa ospital.

Nasugatan naman  sina Rowena Encarnacion, 44;  Alejandro Encarnacion, 49; at Mary Grace Lorego,44, na pawang  inoobserbahan sa pagamutan.

Sinasabi ni SPO1 Ale­jandro Camacho ng QC Station 6 Batasan, magpapahinga na sana ang mga biktima nang biglang dumating ang limang kalalakihan sakay ng tatlong motorsiklo na pawang naka­sumbrero at pagbabarilin ang mga biktima.

Nabatid pa sa ulat na ang puntirya umano ng mga suspek ay ang nasawing si Bi­gonte at nadamay lamang umano ang mga nasugatan. 

Blangko naman ang pu­lisya sa motibo ng naganap na krimen habang patuloy pa ring isinasagawa ang imbestigasyon ukol dito.

 

Show comments