MANILA, Philippines - Isang granada na pinaniniwalaang gagamitin ng riding in tandem sa pananakot sa sasakyan na kanilang hoholdapin ang sumabog sa R-10 southbound bago umakyat ng Delpan Bridge sa Maynila.
Ayon kay Manila Police Station 2 Delpan PCP chief, Senior Insp. John Guiagui, sinabi nitong isang kulay asul na Mitsubishi Adventure ang sinusundan ng riding-in-tandem.
Pilit itinututok ng magkaangkas na suspek sa salamin ng sasakyan ang hawak nitong granada.
Hinala ni Guiagui, nais ng tandem na holdapin ang sasakyan at gumamit ito ng granada bilang panakot para maisakatuparan ang balak dahil maluwag ang kalsada nang mabitiwan ito ng mga suspects.
Isang dumadaang motorcycle rider na si Peter San Diego ang dahil sa pagsabog ay tumumba sa motor at naipit ang kaliwang hita.
Hawak na ng pulisya ang safety lever ng granada at nalikom na ang mga shrapnel para matukoy kung anong uri ito.
Patuloy ang imbestigasyon sa itinuturing na nabigong tangkang panghoholdap.