MANILA, Philippines - Laslas ang leeg at may mga saksak sa katawan ang isang hindi pa nakikilalang babae nang matagpuan ito sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila.
Inilarawan ang biktima na nasa edad 25-30, may taas na 5’2’’, hanggang balikat ang buhok, nakasuot ng kulay puting sleeveless na blouse at kulay itim na short pants.
Ayon kay SPO1 Richard Escarlan, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9 ng gabi nang makita ang biktima sa harap ng isang bahay sa Purok 1, Isla Puting Bato, Tondo, Maynila.
Sinabi ni Escarlan na nakitaan din ang biktima ng defense wound sa kamay na indikasyon na nanlaban ito. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. Dinala ang bangkay sa Saint Rich Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.