Dahil sa kampanya vs kolorum, impounding area ng MMDA, napupuno na

MANILA, Philippines - Sanhi nang mahigpit na kampanya ng Metro­politan Manila Development Authority­ (MMDA) kontra kolorum, halos mapuno na ng mga sasakyan ang impounding area ng ahensiya.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, kasalukuyang halos umabot na sa 400  mga kolorum na sasakyan ang naka-impound ngayon sa impounding area sa may Tumana, Marikina City at kabilang dito ang mga bago nilang huli.

Bukod dito, karamihan pa rin sa mga naka-impound ay mga inabandonang sa­sakyan at hindi na tinubos ng mga may-ari.

Nabatid na 500 lamang na sasakyan ang kapasidad na dapat i-impound sa naturang lugar, kung kaya’t pasikip na ito.

Gayunman, ayon sa MMDA, hindi naman nila itinuturing na problema ito dahil madali naman nila itong maremedyuhan, ang mahalaga aniya ay mawalis na ang mga kolorum sa kalsada upang lumuwag na ang daloy trapiko ng Metro Manila.

Maging sa lungsod ng Maynila ay patuloy ang gina­gawang pagwalis sa mga kolorum, kung saan kahapon may anim na mga Asian Utility Vehicles ang napuntirya sa isinagawang random check.

Ang paghuli ay pinangunahan ni Manila Vice Mayor Isko Moreno.

Show comments