Demolisyon sa Caloocan: 50 pamilya naapektuhan
MANILA, Philippines - Mahigit sa 30 kabahayan na iligal na nakatayo at umokupa na sa kalsada ang giniba sa ikinasang demolisyon ng pamahalaang lungsod ng Caloocan, kahapon ng hapon.
Dakong ala-1 ng hapon nang umpisahan ng higit sa 50 tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management, Caloocan Right of Way Office katuwang ang Caloocan City Police ang demolisyon sa mga informal settlers sa 6th Avenue at Macay Street sa naturang lungsod.
Wala nang nagawa ang higit sa 50 pamilyang naninirahan sa mga ginibang bahay kundi ang tumulong na rin sa pagbaklas sa kanilang mga tirahan at tanggapin ang P3,000 tulong pinansyal buhat kay Mayor Oscar Malapitan.
Sa panayam ng PSN, sinabi ni DPSTM chief, Larry Castro na dating mga tenant sa Macay Building ang mga informal settlers na napilitang maging iskuwater nang paalisin sa gusali na idineklarang “condemned building” at kasalukuyan ring dinidemolish. Sa halip na humanap ng ibang tirahan, nagtayo ng mga barung-barong ang mga pamilya sa gilid ng kalsada na kinatitirikan ng gusali.
Natambakan naman ng reklamo ang Office of the Mayor buhat sa mga motorista na gumagamit ng kalsada at mga negosyante na may mga tanggapan sa naturang kalsada dahil sa perwisyong dulot ng mga informal settlers kaya nagsagawa ng dayalogo kung saan nakipagkasundo ang mga pamilya na kusang aalis sa lugar.
Hiniling din umano ng mga naapektuhang pamilya na ipagpaliban ang demolisyon hanggang Disyembre ngunit hindi na pumayag si Mayor Malapitan. Sa halip, nangako na lamang ito na magbibigay ng P3,000 tulong kada istrukturang gigibain.
- Latest