Napagalitan ng ama, binata hinostage ang mga utol

MANILA, Philippines - Nagawang gawing hostage ng 21-anyos na lalaki na armado ng granada ang kanyang dalawang maliliit na kapatid dahil sa sama ng loob nito sa ama na nanermon sa kanya matapos na ubusin nito ang kanin sa kaldero,,  kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nadakip ang nang-hostage  na si Gabriel Villafuerte, ng Jamante Street, Brgy. 170, Deparo, ng naturang lungsod.  Nahaharap ito ngayon sa kasong illegal possession of explosive at ammunitions.

Sa ulat, dakong alas-11 ng gabi nang humingi ng tulong ang mga magulang ni Villafuerte sa pulisya matapos na magkulong ang suspek sa kuwarto nito kasama ang mga maliliit na kapatid habang armado ng isang granada.

Ayon sa ama ng suspek, napagalitan niya ang anak na binata makaraang maubos nito ang kanin sa kaldero.  Sinabi naman ng ina ng suspek na labis na dinamdam ng kanyang anak ang mga masasakit na salita na binitiwan ng ama.

Nang rumesponde ang mga pulis, tumanggi ang binata na pakawalan ang mga kapatid kaya napilitan ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics unit na puwersahang pasukin ang kuwarto nito.

Tinangka namang tumakas ng suspek nang dumaan sa bintana ngunit nasakote rin ito ng mga pulis sa bubungan ng kabilang bahay.  Masuwerte namang hindi ginalaw ng suspek ang kanyang mga kapatid.

Bukod sa MK2 fragmentation grenade, nakumpiska rin sa loob ng bahay ng suspek ang iba’t ibang uri ng bala.

Aminado naman ang mga magulang ni Villafuerte na gumagamit ng iligal na droga ang kanilang anak.  Inaalam rin naman ngayon ng pulisya kung sangkot sa iba pang krimen si Villafuerte. 

Show comments