MANILA, Philippines - Patay ang isang 60-anyos na lolo matapos itong tamaan ng ligaw na bala na ang dapat sana ay sa isang 17-anyos na binatily,o kahapon ng madaling-araw sa Pasay City
Alas-7:45 kahapon ng umaga nang bawian ng buhay ang biktimang si Jimmy Fiel, nakatira sa Interior Emma St., ng naturang lungsod habang nilalapatan ito ng lunas sa Pasay City General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib.
Samantala, ang puntirya talaga ng pamamaril ay nakilalang si Norwel Ortega, alyas Pango, 17, ng naturang lungsod na kaagad na nakatakbo.
Nadakip naman ng Pasay City Police ang suspek na si Jeric de Asis, 22.
Sa inisyal na report na nakarating sa tanggapan ni Police Chief Inspector Angelito De Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), naganap ang insidente alas-3:14 ng madaling-araw sa kahabaan ng Tramo St., Zone 7, Brgy. 60 ng naturang lungsod habang nagbibisikleta ang biktima patungong Pasay Public Market sa Libertad St. ng tamaan ng ligaw na bala na pinakawalan ng suspect.
Sinasabing sakay sa motorsiklong walang plaka ang suspect at hinahabol si Pango na pinauulanan nito ng bala.
Hindi tinamaan ang binatilyo kundi ang nabaril ay ang nagbibisikletang si Fiel na duguang bumagsak sa semento.
Ang suspek naman ay mabilis na tumakas matapos isagawa ang pamamaril at sa isang follow-up operation na isinagawa ng mga kagawad ng Pasay City Police ay nadakip ito.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya at inaalam na rin ang motibo nang pamamaril sa binatilyong si Pango.