MANILA, Philippines - Patay ang isang dating pulis Malabon makaraang ratratin ng riding in tandem na suspects sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Anim na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ng biktimang Johnny Canseco, dating nakatalaga sa Malabon Police at residente ng Langaray, Caloocan City.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan sa mga suspek na magkaangkas na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa report ni Det. Glenzor Vallejo ng Manila Police District (MPD)-Homicide section, dakong alas-12:45 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Quiricada at Jose Abad Santos Sts., Tondo, Manila
Nauna rito, nakatayo habang nagti-text ang biktima sa nasabing lugar nang lapitan siya ng suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.
Nang matiyak ng mga suspek na patay na ang biktima ay mabilis na itong nagsitakas.
Nabatid na may tatlong taon nang AWOL ang biktima. Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay.