MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ng isang motorcycle rider makaraang bundulin, barilin ng riding-in-tandem na tumangay sa kawi-withdraw nitong salapi at kanyang motorsiklo, kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.
Agad namang naisugod sa Valenzuela General Hospital at nabigyan ng lunas sa tinamong tama ng bala sa likod ng biktimang si Jay Guiran, 38, mensahero.
Sa ulat ng Valenzuela Police, katatapos pa lamang mag-withdraw ni Guiran sa banko ng halagang P130,000 na pambayad sa telepono ng kanilang opisina. Paglabas ng bangko, inilagay ng biktima ng pera sa compartment ng motorsiklo.
Binabagtas ng biktima ang kahabaan ng P. Santiago Street, sa Brgy. Paso de Blas nang bundulin siya ng isang motorsiklo. Huminto ang biktima upang sitahin ang nakabundol sa kanya nang barilin siya sa likod ng mga salarin.
Dahil sa nasa loob ng compartment ang target na pera, tinangay na rin ng mga salarin ang motorsiklo ng biktima sa kanilang pagtakas. Agad namang rumesponde ang pulisya at naisugod ang biktima sa pagamutan.
Hinala ng pulisya, maaaring may kasabwat ang mga salarin dahil sa alam nito na may dalang malaking halaga ang biktima at nailagay nito sa compartment ng motorsiklo.