MANILA, Philippines - Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki na inilagay sa loob ng plastic drum ang natagpuang lumulutang sa isang estero, sa San Miguel, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ang biktima sa edad na 40 hanggang 45-anyos, 5’3’’ hanggang 5’4’’ ang taas, payat, nakasuot ng itim na t-shirt , itim na short pants at tadtad ng tattoo ang katawan. Nakagapos ang buong katawan ng biktima ng electrical wire, nasasakluban ng plastic bag ang mukha at sako at napapalibutan o selyado ang kabuuan ng mukha nito ng packaging tape. Nakitaan din ng malaking hiwa sa mismong bibig nito.
Sa ulat ni SPO2 Richard Limuco kay Senior Insp. Steve Casimiro, alas-7:30 ng umaga nang mamataan ni Gng. Noralinda Buleg, maybahay ni Chairman Suharto Buleg, ng Brgy. 647 Zone 67, ang nasabing drum sa Estero de San Miguel sa Padang Karbal Park, P. Casal St., sakop ng San Miguel, na kalapit ng Islamic Center sa Quiapo, Maynila.
Hinihinalang itinapon sa nasabing estero ang biktima na pinaniniwalaang may 24 oras nang patay.
May teorya ang mga awtoridad na sindikato sa iligal na droga ang may kagagawan ng uri ng pagpatay, tulad ng mga dating napaulat na isinisilid sa drum at binabaril sa bunganga ang mga pinaghihinalaang naglalaglag sa kanilang operasyon at hindi nakakapag-remit ng benta sa droga.
Inilagak pansamatala ang bangkay sa St. Rich Funeral Services.