MANILA, Philippines - Nagsagawa ng protesta ang iba’t ibang grupo ng trucker laban sa patuloy na pagsisikip sa Port of Manila kung saan mula sa Manila Cathedral, nagmartsa ang grupo patungong South Drive sa gilid ng dating Army and Navy Club upang makipagsanib sa iba pang grupo na doon naman nagtipun-tipon.
Mula South Drive ay dumiretso ang mga ito sa harap ng tanggapan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Roxas Boulevard malapit sa Bonifacio Drive upang kalampagin ang PPA sa kawalang-aksyon nito sa problema.
Ayon sa mga nagwewelga, pahirap ang aberya sa pantalan sa industriya at ekonomiya ng bansa. Inirereklamo rin nila ang mga abusadong mga towing service sa lugar.
Kabilang sa matagal nang mungkahi ng mga truck owner at tsuper sa PPA ang alisin sa Manila South Harbor at Manila International Container Port ang mga walang lamang container van para maibsan ang pagsisikip.
Dahil sa protesta, isang linya lamang sa south-bound lane ng Roxas Blvd. ang nagamit ng mga motorista pero hindi naman hinaharang ng mga demonstrador ang mga nagdaraang trak.
Ayon naman kay Manila Vice Mayor Isko Moreno, iginagalang nila ang pagsasagawa ng welga dahil karapatan ito ng bawat isa sa katiyakang walang mapeperwisyo.
Nagtataka lamang si Moreno kung bakit isinisisi sa “daytime truck ban” ng Maynila ang Port congestion samantalang ayon mismo sa PPA, ginagawan na ito ng solusyon kung saan inaasahang matatapos sa loob ng dalawang linggo.
Aniya, sinabi mismo ng PPA na maliit na bahagi lang ang truck ban ng Maynila sa naging sanhi ng congestion na ito.
Nagtataka lamang si Moreno kung bakit umaabot sa 22,000 na containers na walang laman at 7,000 confiscated containers ang natetengga sa loob ng mga pier. Aniya, napakalaking espasyo ang kinukuha nito at makakasagot sa port at traffic congestion.
Dagdag pa ni Moreno, madali lamang magturo kung saan ang city government ang ginagawang “scapegoat.