MANILA, Philippines - Ipinasa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panghuhuli sa iba’t ibang pasaway sa kalsada tulad ng mga kotongerong barker at “gagamba boys” sa mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development at barangay na nakakasakop sa kabila na nakakadagdag rin ang mga ito sa pagsisikip sa trapiko.
Sinabi ni Atty. Cris Saruca, hepe ng Sidewalk Clearing Operations Group, na marami na ring reklamong natatanggap sila sa ahensya ngunit hindi naman maaaring agad-agad nilang maaksyunan dahil sa pangunahing mandato nila ang pamamahala sa daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.
Ang pangunahing ahensya umano na may mandato para dumampot sa mga batang kalsadang inirereklamo ay DSWD na siyang magdadala sa mga ito sa kanilang holding area. Bukod dito, may malaki ring responsibilidad ang mga opisyal ng barangay at pulisya sa panghuhuli sa mga taong maaaring gumagawa na ng krimen sa kalsada tulad ng pang-i-snatch, pangongotong at pagnanakaw sa mga sasakyan.
Itinuturing ngayon na “eye sore” at problema sa lansangan ang nagkalat na “gagamba boys” sa Airport Road at EDSA, “windshield boys” na nagtitinda ng kung ano-ano sa kalsada partikular sa may Mindanao Avenue, mga “barker” na mistulang nangongotong sa mga bus at jeepney drivers sa iba’t ibang lugar sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan at mga rugby boys.
Sinabi rin ni Saruca na pangunahing mandato ng MMDA ang pagpapaalis sa mga informal settler na nakatira sa gilid ng mga lansangan. Ngunit dahil sa hindi naman naninirahan ang mga inirereklamo sa mga kalsada ay hindi nila madampot ang mga ito.
Sumasama naman umano ang MMDA lalo na ang kanilang CARE unit sa mga operasyon katuwang ang DSWD sa pagdampot sa mga batang kalsada kapag hinihingan sila ng tulong.