MANILA, Philippines - Muling nadagdagan ang bilang ng kolorum at out-of-line bus na nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa tuluy-tuloy na operasyon nito kahapon.
Sa pangatlong araw mula nang ilunsad ng MMDA ang “Oplan Project Disiplina” ay umabot na sa 40 ang nahuling mga bus na kasalukuyang nasa impounding area na ng MMDA.
Binalikan kahapon ng mga tauhan ng MMDA ang bahagi ng EDSA Balintawak at lima agad ang nahuling out of line bus dito.
Kamakalawa ang bahagi naman ng EDSA-Pasay ang sinuyod ng MMDA at dito nakahuli ng 17 out of line at kolorum na bus.
Ayon kay Atty. Crisanto Saruka ng MMDA’s Traffic Discipline Office (TDO), magpapatuloy ang kanilang operasyon hanggang hindi malilinis mula sa kolorum at out of line ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Pinaigting ng MMDA ang operasyon nito kontra kolorum at out of line sa gitna na rin ng namumuong girian nito sa pagitan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) dulot na rin sa mga inilabas na memorandum circular ng huli na nagresulta sa lalo pang pagtindi ng sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
Partikular na dito ang ipinatutupad na “no apprehension policy” sa mga trucks at bus na mahigpit na inalmahan ng ahensiya.