MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 20 timbangan na umano’y may daya ang nakumpiska ng mga tauhan ng Pasay City Hall mula sa Pasay City Public Market, kahapon.
Ang hakbang ay ginawa ng pamunuan ng Pasay City Hall Office ay matapos silang makatanggap ng maraming reklamo mula sa mga mamimili.
Alas-9:00 ng umaga nang magsagawa ng inspeksyon ang pamahalaan lungsod ng Pasay sa pangunguna ni Market Operation Officer Dennis Aguas sa nasabing pamilihan na kung saan nadiskubre nilang ang ilan sa mga tindera ng isda ay may daya ang timbangan.
Ayon kay Aguas, base sa City ordinance No. 4090 Series of 2008 ng Pasay City Market Code bibigyan pa nila nang pagkakataong makapagtinda ang mga violator.
Ngunit sa pangalawang pagkakataon kapag sila ay muling nahuli ay pagmumultahin na ang mga ito ng P500 hanggang P1,000 at sa pangatlong paglabag ay kakanselahin na ang kanilang kontrata ng kanilang puwesto at hindi na sila ma aaring magtinda kasabay pa nang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.