MANILA, Philippines - Isang Chinese national ang nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police Distirct (QCPD) matapos na makuhanan ng may 10 kilo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Commonwealth sa lungsod, kahapon ng hapon.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Richard Albano, base sa lisensyang nakuha sa suspek nakilala ito sa pangalang Xu Zhen Zhi ng Ongpin St., Binondo, Manila.
Gayunman, ibe-verify pa umano nila sa Land Transportation office kung tunay na pangalan ang nakalagay sa lisensya nito. Ang suspek ay nadakip ng tropa ng QCPD-Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group (AIDSOTG) sa pamumuno ni Senior Insp. Roberto Razon Sr., sa may parking lot ng isang fast food sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, kanto ng Philcoa.
Bago ito, nakipagtransaksyon umano ang tropa ng pulisya sa suspek para sa pagbili ng isang kilo ng shabu kung saan nagkasundo na magpalitan ng items sa nasabing lugar.
Ganap na alas-3:30 ng hapon, nang magkita sa lugar ang isang poseur-buyer ng DAIDSOTF at suspek na sakay ng kanyang kulay chocolate brown na Toyota Vios na may conduction sticker na YA879. Nang magpalitan ang dalawa ng items ay saka isinagawa ang pag-aresto sa dayuhan.
Sa pagrekisa sa loob ng sasakyan ng mga operatiba, narekober pa ang isang kulay itim na garbage bag na naglalaman din ng high grade na shabu.
Ang shabu ay tinatayang nasa kabuuang halagang P15 milyon sa merkado, sabi ni Albano.
Ang pagdakip sa suspek ay resulta ng follow-up operation ng mga operatiba matapos na mahuli ang dalawa pang kasamahan ng mga ito sa Tarlac. Iniimbestigahan na ang suspek na nasa pangangalaga ngayon ng QCPD-DAIDSOTF sa Camp Karingal.