MANILA, Philippines - Labing-apat na katao ang sugatan sa salpukan ng isang bus at isang jeep, kahapon ng umaga sa Makati City.
Isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima na nagtamo lamang ng minor injury.
Lumalabas sa report na natanggap ng Makati City Traffic Bureau, naganap ang insidente pasado alas-6:00 ng umaga sa panulukan ng Ayala Avenue at EDSA ng naturang lungsod.
Nabatid na ang nakasalpukan ay ang isang pampasaherong jeep (NVE-969) at Claro Bus Trans na may plaka namang UYE-279.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na nagpupumilit umanong tumawid ng EDSA kahit naka-red light na ang naturang jeep dahilan upang masapul ito ng umaarangkadang bus.
Kapwa isinailalim sa imbestigasyon ang driver ng jeep at bus, gayundin ang kanilang sasakyan na hinatak patungong Makati City Traffic Center.
Nagdulot ng bahagyang trapiko sa lugar ang insidente at pasado alas-7:00 ng umaga nang ma-clear ang naturang lugar.