Lady trader, binoga ng magnanakaw

MANILA, Philippines - Pagnanakaw ang isa sa mga anggulong sinisiyasat ngayon ng pulisya matapos barilin ang isang babaeng negosyante ng hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng bonnet sa Las Pinas City, kahapon.

Inoobserbahan at ginagamot sa Las Pinas Medical Center ang biktimang si Myrna Laono, 32, may-ari ng isang sari-sari store at nakatira sa Moonwalk Village, Brgy.  Talon 2 ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa sikmura buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Base sa report na natanggap ni Senior Supt. Adolfo Samala, hepe ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente alas-2:30 ng madaling-araw sa likurang bahagi ng sari-sari  store na pag-aari ng biktima sa naturang lugar.

Nabatid  na lumabas ang biktima at pumunta ito sa likuran ng kanyang sari-sari store para ayusin ang tubo ng kanilang tubig nang biglang sumulpot mula sa kanyang likuran ang isang lalaki na nakasuot ng bonnet at naka-jacket ng kulay itim.

Dalawang ulit pinaputukan ng suspek ang biktima  at nang duguang bumulagta ito ay mabilis na tumakas ang una.

Kaagad na dinala ang biktima ng kanyang mga kaanak sa nabanggit na ospital at isa sa mga anggulong iniimbestigahan ngayon ay insidente nang panloloob.

May teyorya pa rin ang pulisya na posib­leng nanlaban ang biktima kung kaya’t pinaputukan ito ng suspek.

Show comments