Damay sa panibagong insidente ng away sa trapiko bebot patay sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Patay ang isang hindi pa nakikilalang babae makaraang tamaan ng ligaw na bala buhat sa dalawang lalaking namaril malapit sa isang terminal ng tricycle sa Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa biktima na nagtamo ng tama ng bala sa katawan. Inaalam din naman ang pagkakakilanlan sa da­lawang tumakas na salarin na naiwan sa lugar ang sinasakyang trak (WTS-859).

Sa inisyal na ulat, dakong alas-5:30 ng umaga nang bigla na lang pagbabarilin ng dalawang suspect ang isang sasakyan sa tapat ng North Luzon Expressway sa may C5, Brgy. Ugong, ng naturang lungsod.

Nagawa namang makatakas ng binaril na sasak­yan ngunit minalas na tinamaan ng ligaw na bala ang biktimang babae na siyang napuruhan.

Agad namang tumakas ang dalawang gunman na sa pagmamadali ay iniwan na lamang ang sinasakyan nilang trak.  Ang naturang trak ngayon ang gagamitin ng pulisya upang matukoy ang mga salarin.

 

Show comments