Magkakasubukan kami ng LTFRB – Isko
MANILA, Philippines - “Magsusubukan kami ng LTFRB sa Manila and we challenge them. Not Manila, sorry to say.”
Ito ang binigyan diin ni Manila Vice Mayor Isko Moreno bilang tugon sa bagong memorandum circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagtatakda na maaaring bumiyahe ang mga out-of-line o kolorum na bus hanggang Oktubre.
Sa ilalim nito, hindi rin huhulihin ang mga trak na may berdeng plaka hanggang Agosto 29 upang bigyan ang mga ito ng sapat na panahong makakuha ng parangkisa.
Paliwanag ni Moreno, masyado nang masikip ang daloy ng trapiko sa lungsod at walang puwang doon na tumakbo ang mga pampublikong sasakyan na walang prangkisa.
Ayon kay Moreno, hindi muna nila ipatutupad ang mga patakarang ito sa Maynila.”Saan ka nakakita pwedeng tumakbo ang trak at bus nang walang prangkisa? Saang klase ng mundo tayo? Nasa Mars ba tayo?” ani Moreno.
Kahapon ng umaga ng sitahin ni Moreno ang ilang mga kolorum na sasakyan sa kanto ng España Boulevard at Morayta. Kabilang din sa mga hinuli ang mga hindi sumusunod sa batas trapiko.
Samantala, nanawagan ang pamunuan ng LTFRB sa mga kumokontra sa mga regulasyon ng ahensiya para huwag nang magsisihan bagkus ay makipagtulungan na lamang sa ahensiya para maibsan ang lumalalang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ang pahayag ay ginawa ni LTFRB Chairman Winston Ginez bilang reaksiyon sa mga paninisi sa ahensiya ng mga local chief executives ng Metro Manila at ng MMDA dahil ito umano ang ugat ng masikip na daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila.
Partikular na isinisi ng mga nabanggit sa LTFRB ang ipinalabas nitong memorandum na nagsasabing hindi maaaring hulihin ang mga truck na may puti pang plaka dahilan sa dinidinig pa ng LTFRB ang kanilang aplikasyon para magkaroon ng franchise.
Ang “no apprehension policy” ng LTFRB para sa lahat ng trucks-for-hire freight services ay mapapaso sa August 29 na nagsimula noong July 29.
Sa loob ng mga araw na ito ay binibigyan ng pagkakataon ang mga truck owner na makapag aplay ng prangkisa sa ahensiya para maisalegal ang operasyon ng kanilang mga sasakyan.
Ikinatwiran ni Ginez sa naipalabas na memorandum na dapat suportahan ng pamahalaan ang truck industry dahil ang mga ito ang nagdadala ng mga pagkain at ng ibat ibang kalakal papasok at palabas ng ating bansa.
- Latest