MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkakakulong ang sintensya ng isang korte sa Parañaque City laban sa tatlong Tsino na nadakip sa loob ng isang shabu laboratory.
Ikinatuwa ni Philippine Drug Enforcement general Arturo Cacdac Jr. ang desisyon ni Parañaque Regional Trial Court branch 259 Judge Danilo Suarez sa hatol niya laban kina Chu Kin Tung, 39; Wong Meng Pin, 47; at Li A Ging, 29.
Kasong paglabag sa Section 8 (Manufacture of Dangerous Drugs and/or Controlled Precursors and Essential Chemicals) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa laban sa tatlo.
Bukod sa pagkakakulong, pinagbabayad din ng korte ang tatlong Chinese national ng P10 milyon bawat isa.
"I am very pleased with the decision of Judge Suarez for ensuring that justice is promptly served. Also, congratulations are in order to the operating team of PNP (Philippine National Police) Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF), who conducted the search, paving the way to the discovery of the shabu lab,” banggit ni Cacdac.
Nasakote ang tatlo noong Enero 29, 2010 sa No. 144 Concha Cruz Drive, BF Homes, Parañaque City.
Samantala, tinutugis pa rin namang ang kasamahan ng tatlong Tsino na kinilalang sina Robin Bayubay Co at Xiu Xiu.
"This is another victory scored by the national anti-drug campaign against high-profile foreign drug personalities who operate clandestine shabu laboratories in the country,” ani Cacdac.