MANILA, Philippines - Bulagta ang riding-in-tandem suspects matapos na makaengkuwentro ang mga miyembro ng Manila Police District (MPD) sa bahagi ng round table sa panulukan ng P. Burgos St. at Finance Road sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Pinaniniwalaang mga holdaper ang mga suspek na inilarawan ang isa sa edad na 35 hanggang 40, 5’3’’ hanggang 5’5’’ ang taas, nakasuot ng kulay itim na t-shirt, cream ang kumbinasyon ng checkered na pantalon at itim na sinturon habang ang isa ay naka-itim na jacket, brown ang short pants, tinatayang nasa 35-40 anyos, kapwa naka-helmet na ang isa ay kumbinasyong pula at itim habang ang isa ay itim at armado ng tig-isang .38 kalibreng pistola na kargado ng bala.
Ayon sa ulat napansin ng mga awtoridad na sadyang itinupi pataas ang plaka ng itim na Honda 100 motorcycle (1273 UD) upang hindi maplakahan sa oras na makagawa ng krimen.
Isinailalim naman sa interogasyon ang dalawang sangkot sa pakikipagbarilan na sina PO1 Ricardo Lo at PO1 Vermon Guerrero, na kapwa miyembro umano ng Tactical Motorcycle Rider Unit (TMRU) ng MPD-Station 5.
Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun sa hepe ng Homicide Section na si P/Insp. Stave Casimiro, dakong alas-4:25 ng madaling araw nang maganap engkwentro sa pagitan ng dalawang nasawi at ng dalawang pulis sa panulukan ng Finance Road at Burgos Drive sa Intramuros, Ermita, Manila.
Nabatid na ang dalawang pulis na nagpapatrulya sa Ayala Boulevard, sakay ng police service mobile (MC-3526) nang maispatan ang kahina-hinalang riding-in-tandem kaya sinubukang buntutan subalit agad silang pinaputukan ng nakaangkas dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis at masapul ang mga suspect.