MANILA, Philippines - Nilinis ng huwes ng Parañaque City Regional Trial Court ang raiding team ng Philippine National Police (PNP) sa akusasyon ng tatlong akusadong Chinese nationals na na-“frame-up” sila ng mga alagad ng batas sa ginawang pagsalakay sa multi-milyong shabu laboratory na naging dahilan para patawan sila ng 2 life imprisonment nitong nakaraang linggo.
Ibinasura ni Judge Danilo Suarez ng Parañaque RTC Branch 259 ang depensa ng mga akusadong sina Chu Kin Tung, Wong Meng Pin at Li A Ging, na dinukot lamang sila ng mga pulis at inakusahan na mga trabahador sa shabu laboratory.
Mas pinaniwalaan ng korte ang testimonya ng mga sumalakay na pulis at ang katulong ng mga akusado na nagbigay ng sarili nitong pahayag. Partikular na ibinasura rin ng korte ang pahayag ng mga Tsino na hindi sila residente ng bahay na ginawang shabu lab nang magpakita ang mga pulis ng kanilang larawan sa “surveillance operation” bago ang pagsalakay. Dito ibinaba ng hukom ang hatol na dalawang habambuhay na pagkakulong sa tatlong Tsino.
Pinapurihan naman ni Sr. Supt. Eduardo Acierto, Jr. ang desisyon ng korte at ginawang “case build-up” ng mga kapwa pulis upang maipakulong ang mga akusado. Kasama si Acierto sa tropa ng Firearms and Explosive Office at PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force na sumalakay sa shabu laboratory sa Concha Cruz Drive sa BF Homes Subdivision, Parañaque City noong Enero 29, 2010.
Sa pamamagitan ng “search warrant”, sinalakay ang lugar at nakumpiska ang mga ebidensya kabilang ang “finished products” na shabu, iba-ibang kemikal na sangkap, mga paraphernalia at equipments. Sinabi ni Acierto na tinangkang itago ng mga salarin ang amoy ng iligal na droga sa pagsasaboy ng “disinfectant spray” at pagsisindi ng insenso sa lugar.
Sa desisyon ni Judge Suarez, iginiit nito na naging tama ang paghawak ng mga pulis sa pagsalakay at walang iregularidad sa paghahain ng search warrant kaya tumaas ang kredibilidad ng kaso na naging daan sa pagbibigay ng hatol laban sa mga akusado.
Si Acierto rin ang isa sa team leader ng PNP AIDSOTF na sumalakay sa shabu tiangge sa Pasig City noong 2006. Pinarangalan ng US Drug Enforcement Agency ang raiding team ng PNP sa naturang “accomplishment”.