MANILA, Philippines - Isang babae ang binaril sa ulo hanggang mamatay ng hindi nakikilalang salarin sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Isinalarawan sa pagitan ng edad na 32-35, may taas na 4’11, maputi, balingkinitan ang katawan, nakasuot ng polo shirt at itim na short pants, may mga tattoo na “Benie” sa kanyang kaliwang braso, isang bulaklak at isang puso na may pangalang “Janet” sa loob nito.
Ayon kay SPO1 Julius Rempillo, imbestigador, hirap sila sa pagtukoy sa suspek dahil wala naman umanong nakakita sa pamamaril, maliban sa mga narinig na putok ng baril sa pinangyarihan ng krimen.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Pook dela Cruz, Brgy. Old Balara, ganap na alas-2:05 Sabado ng hapon.
Sabi ng isang residente, nasa loob siya ng kanilang bahay nang marinig ang isang putok ng baril mula sa labas at nakita niyang walang buhay na biktima.
Sabi ni Chief Insp. Nelson Sta. Maria ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) nagtamo ng isang tama ng bala sa kaliwang sentido na naglagos sa likurang bahagi ng kanyang ulo ang biktima.
Nitong nakalipas na Biyernes, isang hindi nakikilalang babae rin ang pinagbabaril sa isang insidente ng panghoholdap sa may Brgy. Holy Spirit.