40-storey condo sa Maynila, dagdag-buwis at trabaho -- Manila Dad
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila 3rd District Councilor Joel Chua na malaki ang maitutulong sa kaban ng lungsod at sa mga walang trabaho ang pagpapatayo ng 40-storey condominium sa Taft Ave. sa Maynila,
Ayon kay Chua na chairman ng Oversight Committee ng Konseho ng Maynila, inaprubahan nila ang pagtatayo ng Torre De Manila dahil masosolusyunan nito ang P4 bilyong utang ng lungsod bukod pa sa makakapagbigay ng trabaho sa mamamayan ng lungsod.
Paliwanag ni Chua, binusisi nilang mabuti ang mga dokumento at requirements ng condo kung saan sumunod naman ang contractor nito na DMCI Homes sa patakaran. Nabatid na noong nakaraang administrasyon pa binigyan ng building permit at zoning permit ang nasabing condominium.
Nagpulong din aniya ang mga kinatawan mula sa DMCI, National Historical Institute at administrasyon ng Luneta kung saan lumitaw na walang nilalabag na national law ang proyekto bagama’t aminadong may paglabag ito sa floor area ratio (FAR).
Sa usapin naman aniya sa height restriction, nasa kabila aniya ng LRT at malayo sa protected area na saklaw ng ordinansa ang naturang proyekto.
Kung may paglabag naman sa building kailangan namang mag-apply sa Manila Zoning Board of Adjustments and Appeals (MZBAA) na ginawa naman ng DMCI Homes kung kaya’t naaprubahan ang proyekto. Una na ring sinabi ni Manila Mayor Erap Estrada sa pag-apruba sa Torre De Manila na mas mahalaga ang pagsigla ng ekonomiya.
- Latest