MANILA, Philippines - Wasak ang ulo ng isang 33-anyos na pintor nang hatawin ng dalawang beses ng stainless na baseball bat ng isang empleyado umano ng gymnasium, sa Paco, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ni SPO1 Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Danilo Pecayo, pintor sa isang construction site, at residente ng no. 1340 A. Burgos St. Paco, Maynila.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na may hawak ng baseball bat na sinasabing nagtatrabaho umano sa Lawis Gym Equipment at tatlo pang kasamahan nito na nagsitakas matapos duguang bumagsak ang biktima.
Isang testigo ang nagsabi sa mga imbestigador na nakita niyang nagbabatuhan ang biktima at ang suspek na taga Lawis Gym dakong alas-7:30 ng umaga hanggang sa muli niyang makita na may hawak na ang suspek na stainless na baseball bat at may kasama na ang tatlo pang lalaki na humabol sa biktima at dalawang ulit na hinataw sa ulo sa bangketa sa panulukan ng Pedro Gil at President Quirino Avenue, sa Paco.
Lumapit pa umano ang biktima at pinukol ng hawak na bato ang suspek at siya naman ang inatake ng baseball bat sa ulo.
Nang bumagsak ito sa bangketa na duguan ay muli pang tatayo kaya hinataw muli ng baseball bat at tuluyang sumubsob.
Ayon pa sa testigo, habang nagbabatuhan ay nagpapalitan ng salita ang suspek at biktima sa salitang “Bisaya” kaya hindi niya naintindihan kung ano ang pinag-aawayan.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang Homicide Section at dinala ang bangkay sa St. Rich Funeral Services para sa awtopsiya.