MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan ang isang sekyu sa guard house ng isang townhouse, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Mesa, Manila.
Nakilala ang biktimang si Isidro Bersuela, nasa 40 hanggang 45 anyos; tubong Zamboanga City at stay-in sa V. Mapa Ext., Sta. Mesa.
Samantala, isang Rommel Valenzuela na ka-relyebo ng biktima ang pinaghihinalaang may gawa ng krimen, matapos na hindi na ito magpakita pa matapos madiskubreng patay ang biktima.
Batay sa ulat na isinumite ni Det. Glenzor Vallejo kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section, dakong alas-4:40 ng madaling-araw, nang madiskubreng patay ang biktima ng isang Jose Reynaldo Jr., na drayber ng may-ari ng town house.
Sa salaysay ng isang Esteban Taburada, 43, operations manager ng townhouse, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek kung saan hindi na nagpakita pa ang huli.
Nabatid na nawawala ang sahod ng biktima na aabot sa P20,000 na naipon nito para ipadala sa kanyang asawa’t anak sa Zamboanga, bukod pa sa isang tablet.