Riding-in-tandem, muling sumalakay
MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang kilabot na riding-in-tandem na kriminal sa lungsod Quezon kahapon ng umaga makaraang isang lalaki ang kanilang tinambangan at ngayon ay inoobserbahan sa isang ospital, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa inisyal na ulat ni Senior Insp. Maricar Taqueban, tagapagsalita ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima na si Rainerio Javier Soriano, 56, ng Little Baguio St., Miramonte Heights, Caloocan City.
Ang biktima ay agad na naisugod sa ospital habang mabilis namang tumakas ang mga suspect.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Regalado Avenue, kanto ng Commonwealth Avenue, Brgy. Fairview, ganap na alas-6:30 ng umaga.
Diumano, minamaneho ng biktima ang isang kulay gray na Mitsubishi Adventure nang dikitan ng mga suspek at pagbabarilin.
Ayon sa ilang saksi, tatlong putok ng baril ang kanilang narinig hanggang sa makitang may mga tama na ng bala ang sasakyan ng biktima.
Agad namang itinakbo sa Far Eastern University (FEU) Hospital ang biktima na sinasabing may tama ng baril sa pisngi at leeg.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa krimen at inaalam na ng barangay officials kung gumagana ang closed circuit television (CCTV) camera na nakatutok sa sasakyan ng biktima nang maganap ang pamamaril.
- Latest