Sekretarya ng doktor, inatake ng saksak ng pasyente

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang sekretarya ng isang doktor makaraang atakehin ng saksak ng isang babae sa loob ng isang pribadong ospital sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Sa impormasyong ibinigay ni Senior Insp. Maricar Taqueban, tagapagsalita ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima na si Dionie Concepcion, 45, secretary ni Dr. Angela Centeno. Agad namang nadakip ang suspek na si Laura Cruz, 42, dalaga ng Gagalangin Tondo Manila.

Base sa inisyal na ulat ng QCPD-Station 11, nangyari ang insidente sa may 4th floor ng nasabing ospital partikular sa room no. 418, Brgy. Kalusugan, ganap na alas-11:30 ng umaga.

Sinasabing nagtungo ang suspek sa kuwartong pinag­lilingkuran ng biktima, upang kausapin umano si Dr. Centeno. Habang naghihintay, walang kaabog-abog na inatake ng saksak ng suspek ang biktimang si Concepcion, sanhi upang magkasugat-sugat ang mukha, at katawan nito. Matapos ang pananaksak ay tinangkang tumakas ng suspek, subalit agad naman itong nakorner ng mga security guard at inaresto, saka itinurn-over sa pulisya.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at inaalam pa kung ano ang motibo sa isinagawang pagsaksak sa biktima.

 

Show comments