MANILA, Philippines - Kinansela kahapon ang klase sa Far Eastern University (FEU) sa Maynila matapos na makatanggap ng bomb threat ang security personnel ng unibersidad.
Ayon sa pahayag ng unibersidad, dakong alas-10:15 ng umaga nang makatanggap ang kanilang security personnel ng bomb threat sa pamamagitan ng text message. Dahil dito agad umanong nagpulong ang mga opisyal at humingi ng tulong sa bomb disposal team ng Manila Police District.
Sa loob lamang umano ng 30 minuto ay maayos na pinalabas ang mga estudyante sa kanilang mga classroom upang bigyan daan ang pag-clear ng mga awtoridad sa lugar. Dakong alas- 3 ng hapon nang ideklara ni MPD Director Chief Supt. Rolando Asuncion na cleared na ang lugar at pananakot lamang ang insidente. Nag-abiso naman ang mga university officials na may pasok na bukas ang mga estudyante.