MANILA, Philippines - Patay ang isang 50-anyos na ginang matapos barilin ng riding-in-tandem habang ang una ay papauwi sa kanyang bahay sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Si Belen Cantes-Villas, street sweeper ng Brgy. Talipapa, ay agad na nasawi matapos na magtamo ng isang tama ng bala sa kanyang ulo na naglagos sa kanyang mukha, ayon kay SPO1 Jaime Jimena, may-hawak ng kaso.
Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng isang SYM motorcycle na kulay pula na may plakang 4042-TJ.
Ang nasabing motorsiklo ay narekober kalaunan sa may harap ng isang bahay sa DRC compound, Quirino Hi-way, Brgy. Talipapa matapos iwan ng mga salarin.
Nangyari ang insidente sa harap ng ACS Building sa Quirino Hi-way, Brgy. Talipapa, ganap na alas-6:20 ng gabi.
Ayon kay Lily Garcera, naglalakad umano sila ng biktima papauwi nang biglang sumulpot ang mga suspek sakay ng motorsiklo mula sa kanilang likuran at biglang bumaba ang backrider nito at binaril sa ulo ang biktima.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect. Narekober sa lugar ang isang basyo ng kalibre .45 na ginamit sa pamamaslang sa biktima.
Sinasabing pagtatalo sa lupa ang ugat ng pamamaslang sa biktima na umano’y tumatayong lider ng isang asosasyon sa nasabing lugar, bagay na sinisiyasat ngayon ng awtoridad.