MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang barker nang maaktuhan ito ng mga pulis na nangingikil sa isang pampasaherong bus, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakakulong sa Pasay City Police detention cell ang mga suspek na sina Dennis Dulaca, alyas Lupin, 36, miyembro ng Batang City Jail (BCJ) at Rogelio Bojocan, alyas Junjun, 37, miyembro naman ng ‘Sigue Sigue Sputnik Gang’, kapwa residente ng Block-8, Lot-3, Saint Francis St., Maricaban ng naturang lungsod.
Ayon sa report na tinanggap ni Chief Inspector Angelito De Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, naganap ang insidente alas-6:50 sa panulukan EDSA Avenue at Aurora Boulevard ng naturang lungsod.
Nabatid na sapilitan na nanghihingi ng pera ang mga suspek sa isang konduktor sa isang pampasaherong bus.
Hindi umano nagbigay ang nasabing konduktor hanggang sa nagalit ang mga suspek.
Namataan naman nang nagpapatrulyang mga pulis ang pagtatalo ng tatlo at lumapit sa mga ito na kung saan nakumpiskahan ang mga suspect ng dalawang patalim.
Kaagad na dinakip ang mga suspek at dinala sa himpilan ng pulisya at sinampahan ang mga ito ng kasong illegal possession of deadly weapons at City Ordinance No. 2106 (illegal barker).