MANILA, Philippines - Bangkay na nang matagpuan habang nakabigti sa kisame ng isang kuwarto ng apartelle sa Quezon City ang isang lalaki ilang oras makaraang mag-check in itong mag-isa rito, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni PO2 Julius Raz, imbestigador, ang biktima na si Frederick Fernandez, 45, may-asawa, walang trabaho ng Brgy. Bagbaguin, Meycuayan Bulacan.
Ayon kay Raz, nadiskubre ang biktima sa may loob ng Room 20 ng isang apartelle na matatagpuan sa panulukan ng Edsa at Aurora Blvd., Brgy. Socorro, Cubao, ganap na alas-10 ng gabi.
Bago ito, alas-7 ng gabi nang mag-isang nag-checkin ang biktima sa nasabing apartelle, para sa tatlong oras na pamamalagi rito.
Ayon kina Mary Jane Ortega at security guard na si Vicente Bea, matapos ang tatlong oras na konsumo na upa sa kuwarto ay pinuntahan na nila ang biktima sa kuwarto subalit hindi to sumasagot sa katok.
Dahil dito, nagpasya ang dalawa na buksan ang pinto sa pamamagitan ng duplicate key kung saan bumulaga sa kanilang harapan ang biktima habang walang buhay na nakabigti sa kisame gamit ang tuwalya na ipinalupot sa kanyang leeg.
Agad na ipinagbigay alam ng mga saksi ang insidente sa otoridad para sa kaukulang desposisyon.
Sa pagsisiyasat, bukod sa bakas ng pagsakal, may nakita rin ang otoridad sa tabi ng biktima ng isang parte ng doorknob na maaaring ginamit nito sa paglaslas sana sa kanyang pulso.